PANAGHOY NG SUMUBOK
Sa simula ay hindi mo yata naisip,
Si hindi mo rin yata talagang nawari.
Kung ano ang iyong tunay na nais,
Ang kinabukasan ay hindi sa iyo sumagi.
Sa iyong pagpasok, ikaw ay natakot;
Kasabay nito ang pagmangha sa mga nakatapos.
Ginawang inspirasyon, sa kanila ay sumaludo.
Unti-unting nagkakulay, bukas na malabo.
Nagpursige, kumayod,
Sinunog ang kilay na nauubos.
Dahil sinabi mong kakayanin mo,
Kinaya mo nga at ikaw ay nagpatuloy.
Ngunit may mga sandaling malapit ka nang sumuko,
Mga pagsusulit na hindi mo kayang mapuntos,
Nagkaroon ng pagdududa, sa sarili ay nagmakaawa
Na sana ay gumaling pa, na sana ay maging katulad nila.
Malapit ka na! Isang taon pang pagdurusa.
Para makamit ang biyaya, ikaw ay dapat pumusta.
Mayroon nang mga nahulog sa bitag ng pagsubok
Pero alam mong kaya nilang umahon dahil sila nga ay tunay nang nasubok.
Ang sabi pa nga, "kung kaya nila ay kaya mo rin".
Itaga itong linya sa bato at siguradong pagnanais mo ay makakamit rin.
Huwag mong kalimutan, huwag kang mabagabag,
Tatapak ka rin sa entabladong pinapangarap.
Ngunit kulang ang panalangin kung gustong makaahon.
Dobleng kayod, dobleng hirap, iyan ang dapat ituon.
At sa pag-ahon ay dalhin ang iyong naranasan;
Gawin itong gabay tungo sa inaasam.
Huwag kang malulumbay, pag-asa ay huwag mong bitawan.
Kumapit ka nang mahigpit, ang pangarap mo'y tulad ng iyong buhay.
Ito ay mahalaga at hindi mananakaw ng iba;
Kailangan lamang ilinang nang mabuti, nang maganda.
At heto nga't ngayon, kami ay nandirito;
Sa hirap ng mga taon, kami ay hindi sumuko.
Ginawa ang dapat upang makatuntong dito.
Ngunit iyong tandaan... hindi pa ito ang huling kalbaryo.
Comments
Post a Comment